37 patay kay Cosme
Umaabot na sa 37 katao ang nasawi sa bagyong Cosme habang P3 bilyon ang naitalang pinsala sa pananalasa nito sa ilang mga lalawigan sa bansa.
Ayon kay National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza, 16 katao rin ang sugatan at isa pa ang nawawala matapos na magdulot ng flashflood, landslide at “storm surge” sa hilaga at katimugang Luzon maging sa Western Visayas Region.
May 182,930 pamilya ang naapektuhan sa anim na lalawigan sa Regions 1, III, VI at Cordillera Administrative Region (CAR).
Grabe ring napinsala ang agrikultura na umaabot sa P3.32 bilyon habang P149.66-M sa gusali ng mga paaralan at P19.23-M sa imprastraktura.
Umabot naman sa 22,816 kabahayan ang nawasak at 51,932 tahanan ang nasira rin sa Regions 1, 3, 4, 6 at CAR.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga lugar na grabeng nasalanta. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending