Bawal na ang mga pulis na maangas at nakasimangot.
Ito ang mariing direktiba kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr. matapos na ilunsad ang programang “Pulis Magalang, Serbisyong May Ngiti.”
Sinabi ni Directorate for Police Community Relations Chief P/Director Leopoldo Bataoil na dapat pairalin ng mga pulis sa lahat ng oras ang pagiging magalang at matulungin upang higit na mapalapit ang kapulisan sa puso ng mamamayan.
“Dapat bumabati sila at nangungumusta sa taong bayan na nakangiti,” ani Bataoil sa mediamen.
Ang nasabing programa ay inilunsad ng PNP matapos na makarating sa kaalaman ni Razon na maraming abusado at bastos na mga pulis.
Kasabay nito, binalaan ni Bataoil na mananagot ang mga Precint Commanders kapag nasangkot ang kanilang mga tauhan sa pambabastos sa mamamayan na lumalapit sa mga ito.
Ipinagbabawal ring mambulyaw ang mga pulis at lalo’t higit ay ang manakit ng mga sibilyan.
Gayundin dapat rin umanong unahin ang mga nagrereklamong mamamayan na dumudulog sa himpilan ng pulisya sa halip na ubusin ng mga pulis ang kanilang oras sa kate-text sa kanilang mga cellphones.
Aniya, hindi maiaangat ang imahe ng pulisya sa publiko kung may mga TABA cops (Tamad, Abusado, Ayaw Padisiplina at Bastos).
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na hindi ningas kugon ang nasabing kampanya. (Joy Cantos)