Itinanggi ng Palasyo ang akusasyon ni Iloilo Vice Governor Rolex Suplico na tinatakot daw ng Malacañang ang hawak niyang bagong testigo sa anomalya sa national broadband network project na iniimbestigahan sa Senado.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na isang imahinasyon lamang ang akusasyon ni Suplico. “Wala sa trabaho o mandato ng pamahalaan na manakot ng kahit sinuman. Nasa kanila yan kung anong imagination umiikot sa kanilang mga utak,” dagdag ng opisyal.
Ang naturang testigo ang naglabas ng mga larawan kung saan ay naglalaro ng golf sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo sa Shenzen, China noong November 2, 2006 bago makipagpulong ang Punong Ehekutibo sa mga opisyal ng ZTE na nakakuha sa naudlot nang NBN contract.
“Ang nagpapakita ng litratong yan, magaling gumawa ng mga karugtong o ang imagination nila medyo malawak. Simpleng litrato, walang ginagawang illegal transaction o kahit anuman, pilit nilalagyan nila ng malisya,” dagdag pa ni Golez.
Ayon naman sa tagapangulo ng Confederation of Government Employess Organization na si Atty. Jesus Santos, dapat ilantad ni Suplico ang testigo para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Sinabi ni Santos na hindi dapat paniwalaan si Suplico dahil ang kongresista lang ang nakakakilala sa testigo bukod sa hindi man lang ipinaalam sa pulisya ang sinasabing banta sa buhay nito. (Rudy Andal)