Magkakasunod na patayan, holdapan sa MM
Kinalampag kahapon ng militanteng grupong Karapatan ang National Capital Region Police Office dahil mistula umanong wala itong ginagawa sa lumalalang sitwasyon ng peace and order sa Metro Manila sanhi ng kaliwa’t kanang mga patayan at bank robbery/holdup.
“Nabubuwag ang kapayapaan at kaayusan sa Metro Manila. Nagtataka kami kung ano ang ginagawa ng NCRPO,” sabi ng Karapatan sa isang pahayag nito.
“Nakakaalarma na ang mga krimeng ginagawa ng mga lalaking nakamotorsiklo. Dapat remedyuhan ito ng NCRPO,” dagdag ng grupo.
Ayon sa Karapatan, nito lamang nakalipas na linggo ay dalawang kliyente ng Bank of the Philippine Islands ang natangayan ng P800,000 ng mga motorcycle riding men.
Isa ring negosyante na kinilalang si Alfred Dy at dalawang nagrespondeng pulis ang nasawi nang harangin at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan matapos na mag-withdraw ng P1 milyon sa sangay ng Banco de Oro sa Paco sa lungsod ng Maynila.
Binanggit rin ng Karapatan na sa kanugnog na lugar sa Cabuyao, Laguna ay walong empleyado at isang depositor ng Rizal Commercial Banking Corporation ang napatay matapos pagbabarilin sa ulo sa malagim na bank robbery/holdup massacre sa nasabing bayan nitong Biyernes.
Sinabi ng Karapatan na kung hindi aaksyunan ng NCRPO ang lumalalang mga kaso ng bank robbery/holdup at patayan ay lilitaw na papogi lamang ang sinasabi ng mga opisyal nito na bumaba ang mga kaso ng kriminalidad sa kalakhang Maynila kung saan karaniwang mataas ang insidente ng naturang mga kaso.
Magugunita na inamin mismo ni NCRPO Chief Director Geary Barias na nakapagtala ang kaniyang tanggapan ng 10 kaso ng nakawan at iba pang krimen na kagagawan ng motorcycle riding men sa Metro Manila, apat dito ay sa Southern Police District, tig-3 sa Maynila, 2 sa Quezon City at isa sa Northern Police District. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending