9 Magdalo pinalaya na
Matapos pagkalooban ng executive pardon ni Pangulong Arroyo, pinalaya na kahapon ang siyam na Magdalo na nasangkot sa Oakwood mutiny noong Hulyo 27, 2003.
Kinumpirma ni Philippine Army Spokesman Lt. Col. Romeo Brawner ang pagpapalaya kina Captains Gerardo Gambala, Milo Maestrecampo, John Andres, Albert Baloloy, Alvin Ebreo at Lawrence Louis Somera, 1st Lieutenants Cleo Donga-as at Florentino Somera, Jr., gayundin si 2nd Lieutenant Kristopher Bryan Yasay.
Una ng inihayag ng Pangulo ang executive clemency sa siyam na nag-rebelyong junior officer sa mismong araw ng pagbaba sa puwesto ni ret. AFP Chief Gen. Hermogenes Esperon Jr. base sa rekomendasyon nina Esperon at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Sinabi ni Brawner na ang ilan sa pinalayang mga sundalo ay inalok ng trabaho ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Executive Director General Dionisio Santiago habang ang iba ay sa ibang mga tanggapan ng gobyerno.
Masayang sinalubong ng kanilang mga pamilya ang nasabing mga sundalo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending