Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong malversation of funds sa Department of Justice (DOJ) si Rodolfo Lozada Jr. at ang bise presidente ng Philippine Forest Corporation (PFC) na si Gerardo Carino kaugnay sa maanomalyang proyekto para sa pagtatanim ng Jathropa o tuba-tuba na nagkakahalaga ng P19 million.
Sa reklamo ni Atty. Allan Contado ng NBI Anti-Graft division, nag-ugat ang kaso noong Nobyembre 28, 2006 matapos na magpalabas ang opisina ni Lozada ng halagang P14 milyon sa Philipine Army (PA) kaugnay ng proyekto. Hindi umano nagamit ang pondo sa proyekto dahil hindi balido ang naganap na Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NEDA dahil wala umano itong permiso mula sa Department of National Defense.
Ang pondo ay ibinalik sa tanggapan ni Lozada na noon ay presidente ng PFC at ang tseke ay na-encash noong 2007. Sa halip na ibalik ang pondo ay inilagay umano ni Lozada sa Insular Life Company ang P5 milyon na bahagi sana ng pondo para sa proyekto.
Samantala, tahasan namang kinondena ng isang samahan ng mga non-governmental organizations sa bansa ang inihayag ni Lozada na tinangkang dukutin ang kaniyang anak noong nakaraang Marso.
Binigyang-diin ng Barangay Laban sa Inhustisya, Korapsyon, Abuso, Terorismo at Narkotiko (Balikatan) na walang may matinong pag-iisip ang maniniwala kung susuriin ang pahayag ni Lozada.
“Una, bakit hindi ibinunyag agad ni Lozada ang umano’y tangkang pagdukot kung Marso pa ito nangyari?” ayon kay Balikatan Chairman Louie Balbago.
Pinuna rin ng grupo kung bakit hindi nito idinemanda ang umano’y nagtangkang dumukot sa kanyang anak gayong dati niya itong driver sa PhilForest.
Dapat din daw ipaliwanag ni Lozada kung ipinaalam niya sa Senado ang umano’y tangkang pagdukot sapagkat mayroon naman siyang proteksiyon dito. “Walang matinong ama na hindi kikilos oras na may nagtangka man lamang ng masama sa kaniyang anak,” ayon kay Balbago. (Gemma Amargo-Garcia)