Nababahala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na baka magbunga ng mass layoff ang ginawang desisyon ng Regional Wage Boards sa Metro Manila at Calabarzon kung saan ay inaprubahan nila ang P20 wage increase.
Sinabi ni Sergio Ortiz, pangulo ng ECOP, libo-libong manggagawa sa National Capital Region ang posibleng maapektuhan sakaling magkaroon ng tanggalan sa mga pagawaan kung hindi makayanan ng mga kumpanya na ibigay ang inaprubahang taas sa sahod.
Hindi umano kakayanin ng ilang kumpanya na magbigay ng umento lalo’t nahaharap ang bansa sa mga krisis tulad ng langis, kuryente at pagkain.
Ayon pa dito, hindi sila magtataka kung sa kabila nito ay marami pa ring magrereklamong manggagawa kahit itinaas ng P20 ang kanilang arawang sahod.
Taun-taon naman daw ay umaangal ang mga manggagawa at hindi sila nakukuntento sa anumang naipagkakaloob sa kanila.
Gayunman, iginiit ni Ortiz na suportado ng ECOP ang nasabing wage increase dahil nauunawaan naman nila ang sitwasyon ngayon ng mga manggagawa dahil sa sobrang taas ng bilihin at hirap ng buhay. (Rudy Andal)