Naglagak ng P10,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa kasong libelo na isinampa ng pamahalaan laban sa kanya sa Manila Regional Trial Court.
Dakong alas-12 ng tanghali nang dumating si Cruz kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Estelito Mendoza sa sala ni Judge Antonio Rosales. Agad itong tumuloy sa korte at nagbigay ng kanyang fingerpints.
Ayon kay Cruz, sarili niyang pera at tulong mula sa kanyang mga kaibigan ang kanyang pinampiyansa sa kasong libelo na muling binuhay ng Malakanyang, Department of Justice (DOJ) at Pagcor.
Nabatid kay Cruz na 2004 pa ang kaso na naibasura na ng korte ngunit muling binuhay ng “triplets” (Malakanyang, DOJ at Pagcor) upang matabunan ang iba pang malalaking isyu tulad ng NBN-ZTE deal, krisis sa bigas at Meralco.
Tiwala naman si Mendoza na makakakuha sila ng acquittal sa kaso. Wala anyang nakukulong sa kaso subalit kailangan mong magbayad ng danyos.
Nakatakda sa Hunyo 18 ang unang pagdinig sa kaso. (Doris Franche)