Ibinunyag ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor Briones na umaabot sa mahigit P473 milyon ang nawala sa kaban ng gobyerno nitong nakalipas na buwan lamang dahil sa laganap na technical at outright smuggling ng ibat-ibang uri ng produktong pang-agrikultura sa bansa.
Sa isinagawang privilege speech sa Kongreso nitong Martes, sinabi ni Rep. Briones na salot ang smuggling sa buhay ng libu-libong hog and poultry farmers, rice and sugar farmers at mga mangingisda sa bansa dahil unti-unting pinapatay nito ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Rep. Briones, kapag hindi napatigil ng gobyerno ang smuggling ng produktong pang-agrikultura ay magkakaroon ng “food crisis” tulad ng nararanasang kakapusan ngayon sa bigas sa bansa dahil tatamarin nang magtanim at mag-alaga ng hayop ang may 13.8 milyong magsasaka.
Tinataya umanong umaabot sa P100-bilyon ang nawawalang buwis sa gobyerno kada taon kaya tinawag ni Rep. Briones ang smuggling na “mother of all corruption”. (Butch Quejada)