Lozada ‘di makakalabas ng Pinas
Ito ay matapos na ipag-utos kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa Bureau of Immigration (BI) na isailalim sa watch list si Lozada nang ihayag ng CA ang planong pangingibang bansa nito.
Iginiit ni Gonzalez na hindi basta-basta maaring lumabas ng Pilipinas si Lozada dahil may kinakaharap pa siyang mga kontra demanda.
Bukod dito hindi pa rin umano natatapos ang imbestigasyon ng DOJ sa NBN-ZTE contract na ilang beses ng hindi sinisipot ni Lozada.
Bukod dito maaring may madiskubre pa umanong impormasyon ang DOJ sa naturang imbestigasyon na posibleng magresulta sa paghahain ng karagdagang kaso laban kay Lozada na dapat nitong harapin sa hukuman.
Napag-alaman naman mula sa Kalihim na maging si Environment and Natural Resources Sec. Lito Atienza ay maghaharap ng kasong perjury kay Lozada dahil sa pagdawit nito sa kasong kidnapping na isinampa sa DOJ.
Matatandaan na kamakalawa ay sinabi ni Lozada sa CA na aalis na lamang siya ng Pilipinas at ang kanyang pamilya sa sandaling hindi makakuha ng paborableng desisyon sa petiton for writ of amparo sa CA.
Duda rin si Lozada na imposibleng mapagkalooban pa siya ng protection order mula sa CA. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending