150,000 metric tons ng nickel hinakot sa China
Kinalampag kahapon ni Senate Minority Leader Aquiilino Pimentel si Environment Secretary Lito Atienza at DILG Sec. Ronaldo Puno matapos makakuha ng impormasyon ang senador na umabot sa 150,000 metric tons ng nickel ores ang iligal na namina sa Sta. Cruz, Zambales at dinala sa China.
Ayon kay Pimentel, maliwanag na nakikipagsabwatan ang ilang tiwaling opisyal ng DENR at DILG sa mga malalaking kompanya na nagmimina sa bansa kaya nailabas ang 150,000 metric tons ng nickel ores na nagkakahalaga umano ng $4.5 milyon.
Tinukoy ni Pimentel ang Benguet Corporation na nasa likod ng pagmimina ng nickel ores sa Sta. Cruz kahit walang mayor’s permit at environmental clearance.
Ayon pa umano sa nakalap na impormasyon ng tanggapan ni Pimentel, ang pagmimina ay pinahintulutan umano ng isang Horacio Ramos na diumano’y director ng Bureau of Mines ng DENR. Pinalabas umano na kailangan sa “bloc sampling” ang nahukay na nickel ores.
Sabi ni Pimentel sobra-sobra ang 150,000 metric tones para gawin lamang pang sample.
Kinuwestiyon din ni Pimentel ang napaulat na pagbubukas ng kalsada ng Benguet Corp. sa munisipalidad ng Sta. Cruz dahil walang kapahintulutan ng mga lokal na awtoridad.
Kung totoo umano ang ulat, maliwanag na isa itong malaking insulto sa gobyerno. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending