Hilaw umano ang gagawing nationwide transport holiday ng militanteng transport group na Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na nakakasa sa Lunes, Mayo 12.
Ito ang paniniwala ni Atty. Vigor Mendoza, Chairman ng United Transport Koalisyon (1UTAK) hinggil sa sina sabing tigil pasada ng naturang grupo.
Ayon kay Mendoza, gahol sa panahon ang marami nilang mga kasapi para paghandaan ang naka-ambang transport holiday bukod sa wala ng panahon para makipag-koordinasyon sa kanilang mga lider para sa balak na transport holiday.
Posible umanong hindi maging matagumpay ang pagparalisa sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan kung walang pagkakaisa at walang koordinasyon sa bawat regional members ng mga ito.
Dahil dito, hindi sasali ang malaking bilang ng transport groups sa ilalim ng 1Utak.
Naniniwala si Mendoza na hindi napapanahon ang ganitong uri ng pahirap sa mga pasahero dahil sa hanay ng mga operator at tsuper na kasapi sa 1Utak, kuntento pa aniya sila sa ginagawang hakbang ngayon ng gobyerno tulad ng pagbibigay ng P2 oil subsidy.
Sa kanilang panig, sinabi naman ni George San Mateo, secretary general ng Piston, na wala nang atrasan ang ikinasang nationwide transport holiday sa Lunes na layuning maiparating sa pamahalaan ang kanilang mga demands kabilang ang pagbasura sa expanded value added tax (EVAT) at Oil Deregulation Law na siyang ugat ng serye ng oil price hike gayundin ang mabilis na pagpapatupad sa single ticketing system. Hindi naman kasama sa kanilang kahilingan ang fare hike.
Kabilang sa kanilang mga rally centers ay sa Alabang, Muntinlupa; Monumento, Caloocan City; Novaliches-Bayan, Cubao, Kalayaan avenue kanto ng Kamias St, Philcoa, Welcome Rotonda sa Quezon City: Marikina, Taytay Market sa Rizal province; Pier South at Aduana Circle sa Manila. Ang kanilang miyembro sa Baguio City; Laguna, Batangas, Cavite Laguna, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes at Masbate ay magsasagawa rin ng kanilang bersiyon ng pagwewelga sa parehong araw.
Sa Negros Occidental naman ay dalawang araw ang transport strike na magsisimula sa Lunes. (Angie dela Cruz)