Isang inhinyero sa Singapore ang hinatulang makulong nang tatlong linggo dahil sa paghataw niya ng rolling pin sa kanyang katulong na Pilipina noong nakaraang taon.
Iniulat kahapon ng lokal na pahayagang Straits Times na inamin ng 36 anyos na si Xing Likun na hinataw at tinadyakan niya sa katawan ang biktimang si Israel Miguel noong Hulyo 18 ng nakaraang taon.
Sinabi ni District Judge Shaiffudin Saruwan na mas mabigat na sentensya sana ang ipapataw niya kay Xing kung hindi dahil sa silakbo ng damdamin at may diperensyang pag-iisip nito.
Binigyan si Xing ng hanggang Hulyo 7 para simulan niyang silbihan ang kanyang sentensya dahil kasalukuyan siyang nasa kalagitnaan ng isang proyekto.
Maaari sana siyang makulong nang hanggang 18 buwan at pagmultahin ng $1,500 dahil sa pananakit.
Nagsimulang magtrabaho si Miguel bilang katulong sa Yishun flat ni Xing mula noong Marso 2007.
Noong Hulyo 17 ng nakaraang taon, nasa kusina si Miguel nang humingi ng Vitagen ang panganay na anak ni Xing. Pero pinagalitan siya ng ina ng bata nang makita nitong umiinom ng Vitagen ang kanyang anak.
Kinalaunan, pina galitan din si Miguel ni Xing. Kumuha ito ng kahoy na rolling pin at inihataw ito sa kanyang likod hanggang sa bumagsak siya sa sahig.