Gagamitin ng Philippine National Police (PNP) ang P2-M kinita nito sa shooting tournament sa Clark, noong nakalipas na buwan para sa pabahay ng mga pulis sa ilalim ng Gawad Kalinga Special Housing Project.
Ayon kay PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., ang pinakamalaking fund raising event na inilunsad ng PNP para sa shooting competition ay nilahukan ng may 700 lokal at dayuhang shooters sa loob ng anim na araw na kumpetisyon sa ilalim ng International Practical Shooting Confederation (IPSC).
“This support by the international practical shooting community to the PNP Housing Program will go a long way in boosting the morale of our policemen and inspiring them to perform better,” ani Razon.
Sinabi ni Razon na ang nalikom na pondo ay itu-turnover ng mga organizers ng tournament sa PNP Housing Board na pinamumunuan ni Deputy Director Gen. Jesus Verzosa sa gaganaping flag raising ceremony bukas sa Camp Crame.
Nabatid na 27 PNP teams ang nag-top sa individual at team events sa handgun, shotgun at rifle divisions kung saan ang limang nangunguna ay bibigyan ng parangal ni Razon sa nasabing okasyon.
Ang overall PNP Team Competition ay napagwagian ng Manila Police District MPD) habang ang National Headquarters at Special Action Force (SAF) ay 1st at 2nd runner-up sa shooting tournament.
Samantala, nag-champion naman si SPO4 Anthony Sy ng Manila Police District sa Handgun Production Division, Chief Insp. Lito Patay ng Police Regional Office (PRO) 11 ang nagwagi sa Standard Handgun category at Supt. Ronald de la Rosa, no. 1 naman sa Open Rifle Division. (Joy Cantos)