Kumpiyansa si Air Force Chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog na hindi aatakehin ng tropa ng China ang Pag-asa Island na inookupa ng Pilipinas sa pinaga-agawang teritoryo sa Spratly Islands sa South China Sea.
Sinabi ni Cadungog, batid ng China ang nilagdaan nitong Code of Conduct kabilang ang iba pang mga bansang nag-aangkin sa Spratly Islands noong 2002 kaya di nito isasagawa ang marahas na pag-atake dahil kokondenahin ito ng international community.
“Besides, warfare is no longer the name of the game... it’s economic power,” ani Cadungog matapos nitong bisitahin kamakalawa ang tropa ng Philippine Air Force sa Pagasa Island.
Dahil dito, ayon sa Air Force Chief ay hindi na kailangan pa ang karagdagang tropa ng militar para magbantay sa Pagasa Islands.
Sa kasalukuyan ay may 60 lamang tropa ng Armed Forces of the Philippines ang nagbabantay sa Pagasa kabilang ang 20 tauhan ng Navy.
Ayon kay Cadungog bagaman maikokonsidera na mga combatants ang tropa ng militar sa Pagasa ay nakapokus ang mga ito sa pagkukumpuni ng iba’t-ibang pasilidad at kagamitan sa lugar.
“Ang main job natin dito is to guard the islands and maintain the runway. Hindi natin kailangan mag-provoke,” paliwanag pa ng opisyal.
Maliban sa Pilipinas, kabilang pa sa mga bansang nag-aagawang maangkin ang teritoryo ng Spratly na sinasabing mayaman sa depositing mineral at langis ay ang China, Brunei, Vietnam, Taiwan at Malaysia. (Joy Cantos)