Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa importasyon ng karne mula sa Australia makaraang makumpirma ng mga beterinaryo dito na ang mga produktong karne sa naturang bansa ay ligtas ng kainin at libre sa “mad cow” infection.
Bunsod nito, agad namang inutusan ni Agriculture Sec. Arthur Yap ang pag-aalis sa ban sa importasyon ng karne mula Australia makaraang ang Office International des Epizooties (or Animal Health Organization) ay nagdeklarang ligtas sa “mad cow” disease ang naturang bansa.
Kasabay nito, inalis na din ang ban sa importasyon ng bone meal feeds mula Australia.
Ang “mad cow” disease o Bovine Spongiform Encephalopathy (BSE) ay mabilis lumipat sa mga alagaing hayop na may apat na paa.
Bukod sa Pilipinas, nag-eexport ang Australia ng produktong karne nito at bone meal sa Indonesia, Canada, United States, European Union, Malaysia, South Africa, China, Mexico, Papua New Guinea, Sri Lanka, Thailand at Vietnam. (Angie dela Cruz)