Jobs fair dinagsa

Dinumog ng mga aplikante na nagnanais magkaroon ng marangal na hanapbuhay ang inilun­sad na “Jobs and Livelihood Fair” kahapon sa World Trade Center sa Pasay City .

Batay sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), umabot sa mahigit 100,000 local at overseas job vacancies ang inilaan para sa mga aplikante kabilang na ang mga bagong graduates.

Kasabay ng pagdiri­wang ng Araw ng Paggawa o Labor Day, lumahok sa nasabing programa ang daan-daang kompanya at mga lisensiyadong recruitment agencies para matu­unan ng pagkakataong mabigyan ng trabaho ang mga kababayang Pilipino.

Bukod sa mga trabaho, nagkaroon din ng libreng gupit at libreng masahe sa pakikipagtulungan ng mga estudyante ng TESDA livelihood program.

Samantala, bukod sa mga kompanyang nagha­hanap ng mga empleyado, naroon din ang SSS para naman sa mga gustong mag-miyembro o kaya ay nagnanais kumuha ng impormasyon kaugnay sa status ng kanilang SSS membership. Naging abala rin ang ahensya ng PAG­IBIG sa pagbibigay ng detalye para sa mga nagnanais mag-apply ng housing loan.

Layunin ng pamaha­laan sa paglulunsad ng jobs at livelihood fair na matu­ gunan ang kahirapan ng mamamayang Pilipino higit sa lahat ang mga walang hanapbuhay. Nais din ng pamahalaan na mai-angat ang antas ng pamumu­hay ng ating kababayan at bumaba ang porsiyento ng kriminalidad bunga ng kahirapan. (Rose Tesoro)

Show comments