Naniniwala si Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor Briones na mas marami pang smuggled na frozen Peking duck na posibleng may dalang sakit na Bird at Avian flu virus sa ibat-ibang warehouse, kung kaya hinihiling nito sa pamunaun ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na inspeksiyunin ang lahat ng cold storage sa bansa kasama ang deputized farmers representative.
Ayon kay Rep. Briones, lubhang delikado sa kalusugan ng mga mamamayan ang bird flu dahil ito ay nakakahawa sa manok at maaaring makahawa sa tao at ito ay nakamamatay.
Delikado rin sa negosyo ng poultry raisers ang nasabing sakit na dala ng smuggled frozen Peking duck dahil matatakot bumili ng manok at itlog ang mga tao at siyang magiging sanhi ng pagbagsak ng kanilang negosyo.
Ikinatuwa naman ni Rep. Briones ang ginawang pagsalakay ni PASG chief, Undersecretary Antonio Villar Jr., sa dalawang warehouse sa Navotas noong isang linggo kung saan ay nakakumpiska ng tone-toneladang smuggled na frozen Peking duck na hinihinalang may dalang sakit na bird flu. Delikado itong kumalat dahil hindi man lamang ito dumaan sa veterinary inspection ng Department of Agriculture.
Umapila rin si Briones kay Agriculture Secretary Arthur Yap, Finace Secretary Margarito Teves at Customs Commissioner Napoleon Morales na madaliin ang kanilang “contract signing” ng Memorandum of Agreement (MOA) para makatulong ang mga apektadong magsasaka sa paglaban sa smuggling ng agricultural product sa bansa.
“Nananawagan ako kay Sec.Yap, Sec Teves at Commissioner Morales na sagawa na namin ang MOA signing at bigyan na ng ‘accreditation’ ang aming 35 magsasaka. Kung hindi agad ito magagawa, lubhang manganganib ang kapakanan ng ating mamamayan at mga magsasaka. Dapat nang tignan ng ating Pangulong GMA ang performance ng Customs kung hindi susunod si Commissioner Morales sa instruksiyon ng ating pangulo na inspeksiyonin ang lahat ng refrigerated van na dumarating sa ating bansa,” pahayag pa ni Briones.
Ang AGAP sa pangunguna ni Rep. Briones kasama ng Chairman ng Alyansa Agrikutura Ernesto Ordones ay una ng pumirma ng MOA sa pagitan nila ng PASG para sugpuin ang smuggling ng produktong pang-agrikultura sa bansa. (Butch Quejada)