Libu-libong manggagawa at militante ang nagmartsa kahapon patungong Mendiola at Liwasang Bonifacio kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa o Labor day.
Sa nasabing kilos-protesta ay iginiit ng grupong Kilusang Mayo Uno, Partido ng Manggagawa, Sanlakas at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na dapat na solusyunan sa lalong madaling panahon ng gobyerno ang krisis sa pagkain, trabaho at edukasyon.
Hiniling din ng nasabing mga grupo na magbitiw na sa kanyang tungkulin si Pangulong Gloria Arroyo kung hindi na nito kayang solusyunan ang mga krisis na kinakaharap ng bansa.
Binigyan din ng zero-grade ng Akbayan at Alyansang Makabayan si Mrs. Arroyo dahil sa umano’y “poor performance” ng administrasyon nito at hindi pagtupad sa mga pangako nito.
Anila, ang ginunitang Labor day kahapon ay maituturing na walang kuwenta dahil hindi naman naiibsan ng Arroyo government ang pangangailangan ng mga mahihirap at ng mga manggagawa, particular na ang mga sumusuweldo ng mas mababa sa minimum wage.
“Mas mataas pa ang VAT sa ibinibigay na wage increase ng gobyernong ito, so, how come na makakasabay ang mga Filipino sa patuloy na pagtaas ng mga basic commodities sa bansa” ani pa ni Rep. Risa Hontiveros ng Akbayan.
Samantala, sinabi ni MPD District Director Roberto Rosales na umabot din sa 10,000 rallyista ang nagsipag-protesta sa isinagawang hiwa-hiwalay na rally.
Sa pagtaya naman ng Philippine National Police, generally peaceful and orderly ang isinagawang kilos-protesta kahapon. (Grace dela Cruz/Joy Cantos)