Inilunsad nitong Lunes ni Pasig City Mayor Bobby Eusebio ang mga tricycle na pinaaandar ng liquefied petroleum gas o LPG nang ipamahagi niya ang 10 tricycle units na binago na ang makina sa sampung piling pinuno ng mga tricycle drivers associations bilang bahagi ng programang Pasig Green City ng punong lungsod.
Bukod sa mas malaki ang mababawas sa ibinubugang nakalalasong usok, sinabi ni Mayor Eusebio na lalaki rin ang kita ng mga tricycle driver na gagamit ng LPG sapagkat mas mura ito kaysa gasoline. Mahigit 10,000 ang tricycle na nakarehistro sa Pasig City pa lamang.
Ayon kay Mayor Eusebio, handa ang pamahalaang lungsod na magbigay ng ayudang pinansyal sa mga tricycle driver na gustong magpa-convert din sa LPG. Umaabot sa P16,000 ang conversion ng kada isang tricycle.
Mula sa naunang sampung unit na libreng na-convert at ipinamahagi na sa mga may-ari nitong Lunes, umaasa ang pamahalaang lungsod na bago ang katapusan ng buwan ng Mayo ay mayroon nang LPG tricycle sa bawat isa sa mahigit 90 tricycle operators and drivers association (TODA) sa buong Pasig.
Ayon sa City Environment and Natural Resources Office, ang mga converted na tricycle ay mayroon lamang emission level na 168 ppm kapag naka-idle, at 1,500 ppm kapag todo arangkada, kumpara sa 6,500 ppm kapag todo arangkada bago ma-convert ang mga ito. (Edwin Balasa)