Nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court laban kay dating Basilan Congressman Abdulgani “Gerry” Salapuddin at iba pang sangkot sa pambobomba sa gusali ng House of Representatives na pumaslang ng isang mambabatas at iba pa noong Nobyembre 13, 2007.
Kasama sa ipinaaresto ni Judge Ralph Lee ng QCRTC Branch 83 sina Benjamin Hataman alyas Jang at pinsan ni Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman, dating Basilan Mayor Hajaron Jamiri at Police Officer 1 Bayan Judda.
Itinakda naman ng hukom ang arraignment sa mga akusado sa Abril 30 ganap na alas 8:30 ng umaga. Wala namang piyansang inerekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga suspek.
Ang warrant of arrest laban sa mga suspek ay ipinalabas ni Lee makaraang makakita ito ng probable cause para idiin ang mga akusado sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder.
Namatay sa pagsabog sina Basilan Rep. Wahab Akbar, Marcial Taldo,ang driver ni Gabriela Party-List Rep. Luzviminda Ilagan; tauhan ni Akbar na si Julasiri Niki Huyudini at empleado ng Kongreso na si Maan Gale Bustalino.
Unang sinasabi sa mga ulat na si Salapuddin ang kilalang matinding kaaway sa pulitika ni Akbar, ang umanoy utak sa pagsabog.
P500,000 reward naman ang tinanggap kahapon ng masuwerteng tipster na nagbigay ng impormasyon sa pagkaka-nuetralisa sa isang Abu Sayyaf explosive expert/sub leader at 2 iba pa napatay sa raid habang tatlo pa ang na aresto kaugnay ng madugong pambobomba.
Sa ginanap na media briefing, pormal nang tinanggap ng lalaking tipster ang gantimpala na iniabot nina National Capital Region Police Office Chief Director Geary Barias at AFP-National Capital Region Command Chief Major Gen. Fernando Mesa sa Camp Aguinaldo.
Nanawagan si Barias kay Salapuddin at iba pang suspek na sumuko na.