Sa kabila ng puspu sang kampanya ng Department of Health (DOH), patuloy pa rin umano sa pagtaas ang dengue cases sa bansa matapos na makapagtala ng 20.6 porsyentong pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit ngayong taon kumpara sa taong 2007.
Sa pinakahuling disease surveillance report ng DOH mula Enero hanggang Marso 29, umaabot na sa kabuuang 7,880 dengue cases ang naitala sa mga sentinel hospitals sa buong bansa.
Ito’y mas mataas umano ng 20.6 porsyento o 1,348 kaso sa naitalang 6,532 kabuuang dengue cases sa kahalintulad na period noong 2007.
Sa nasabing bilang, umaabot naman sa 76 ang naitalang namatay ngayong taon kumpara sa 68 lamang noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, 74 porsyento sa mga naapektuhan ng dengue ay nagkaka-edad mula isa hanggang 20 taong gulang at karamihan sa mga namatay ay mula isa hanggang 10 taong gulang.
Ang National Capital Region (NCR), Central Luzon, Central Visayas, Calabarzon, Northern Mindanao at Davao Region ang mga rehiyon sa bansa kung saan nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas ng kaso ng dengue. (Doris Franche)