Pitong minaltrato na overseas Filipino worker (OFW) mula sa Abu Dhabi ang dumating kahapon sa bansa matapos na akuin ni Senate President Manuel Villar Jr., ang kanilang mga pamasahe.
Karagdagan sila sa 10 OFW na nauna nang ipinagbayad ng pamasahe ni Villar ngayong buwan para makauwi lang dito sa Pilipinas matapos ang mapait nilang karanasan sa ibayong dagat.
Ang pito ay kinilalang sina Lea Malunes, 27 anyos, mula sa Camarines Sur; Salama Bakal, 28, mula Cotabato City; Bernadette Romero, 38, mula Cavite; Luciana Lunar, 44, taga-Batangas at Fennie Tiletile, 48, mula Tagum City; Mesa Palares; at Loyda Adlawa.
Tumakas sila mula sa kanilang amo dahil hindi nila nakayanan ang labis na trabaho, pangmamal trato at pagdadamot sa kanilang pagkain. Tatlo sa kanila, sina Bakal, Romero at Lunar, ay pawang may sakit at kailangang dalhin sa pagamutan. (Malou Escudero/Ellen Fernando)