Palasyo ‘utak’ ng libel vs Cruz
Naniniwala si Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz na ang Malacañang ang nasa likod ng pagsa sampa ng kasong libelo laban sa kanya ng Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) sa Manila Regional Trial Court.
Ayon kay Cruz, ang Malacañang lamang ang may kakayahan na kasuhan siya kasama ang kaalyado nitong PAGCOR at ang Department of Justice.
Sinabi ni Cruz na una nang ibinasura ng piskalya ng Maynila ang kaso subalit muli itong nagsampa ng motion for reconsideration sa DOJ hanggang sa aprubahan ng Manila Prosecutors.
Ang naturang kaso ay inihain laban kay Cruz ng mga empleyado ng Pagcor. Nag-ugat ang kasong libelo sa Obispo, na kilala sa pagiging bokal na kritiko ng administrasyong Arroyo, matapos na umano’y lumabas ang artikulo sa ilang pahayagan kung saan sinabi umano ng Obispo na ang mga complainant ay umakto bilang mga “GRO” nang mag-entertain ng mga bisita ni Unang Ginoo Mike Arroyo na nagdiwang ng kanyang kaarawan sa Malacañang Park noong Hunyo 26, 2004.
Sinabi naman ni Cruz na hindi niya kinakalaban ang mga kababaihan kundi ang sistemang pinaiiral at ang pagtrato ng Pagcor sa mga ito. (Doris Franche)
- Latest
- Trending