Handang bumaba sa kanyang puwesto si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., kung kinakailangan at kung ipag-uutos ito ni Pangulong Arroyo.
Ang reaksyon ay ginawa ni Sec. Teodoro bilang tugon sa balita na papalitan siya sa puwesto ni outgoing Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. na magtatapos ang ekstensyon ng termino sa darating na Mayo 9.
“Kami ay nakahanda anytime kailangan kaming bumitaw or kung kinakailangan na ibang tao ang sa tingin ng ating Pangulo na pumalit sa atin,” ani Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na bahagi ng tungkulin ng mga gabinete ng administrasyon na sundin ang anumang desisyon at ipag-uutos ng punong ehekutibo kung nais nito na magpatupad ng revamp sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.
Si Teodoro ay sinasabing mapupunta sa Department of Justice (DOJ) kapalit ni Secretary Raul Gonzalez.
Gayunman ang bagay na ito ay wala pang kumpirmasyon buhat sa Palasyo.
Nauna nang sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na wala pa sa plano ng Malacañang ang magpatupad ng revamp sa mga gabinete nito.
Sa kasalukuyan, ayon kay Teodoro ay nakapokus ang kaniyang atensyon na mapagbuti pa ang kaniyang trabaho.
Magugunita na nitong nakalipas na linggo ay inihayag ni Esperon na ikararangal niya kung iaalok sa kaniya ng Pangulo ang posisyon bilang Defense Secretary. (Joy Cantos)