Dahilan sa umano’y pagsisikap na labanan ang mga human rights violations sa bansa, pinuri kahapon ng pamahalaan ng Canada ang Korte Suprema ng Pilipinas.
Sa isang pahinang statement ng Parliamentary Secretary to the Minister of Foreign Affairs ng Canada na si Deepak Obharai na kanyang binasa sa Candian House of Commons, sinabi nito na kapuri-puri ang papel na ginagampanan ng Supreme Court (SC) ng Pilipinas dahil sa pangangalaga nito sa karapatang pantao at sa paghahanap ng katarungan.
Kaagad namang nagpadala kay Chief Justice Reynato Puno ng kopya ng naturang statement si Canadian Ambassador Robert Desjardins upang ipabatid dito na pinapahalagahan ng pamahalaang Canada ang mga pagsisikap nito gayundin ang patuloy na pagtutulungan ng dalawang bansa.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang Canada dahil sa dumaraming bilang ng extrajudicial killings sa Pilipinas habang hindi naman napaparusahan ang mga may kagagawan nito.
Ang nasabing usapin ang nagtutulak sa SC upang isagawa ang National Consultative Summit on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances kung saan nabuo ang pagpapatupad sa Writ of Amparo at Writ of Habeas Data na maaring gamitin ng mga biktima laban sa mga lumalabag sa kanilang mga karapatan. (Gemma Amargo-Garcia)