Tulong ng malls vs basura hingi ni Villar

Nanawagan ngayon si Senate President at Na­cionalista Party President Manny Villar sa mga may-ari ng shopping mall na mag-ambag sa pandaig­digang pagkilos upang linisin ang Inang Kalikasan at bawasan ang araw-araw na basurang nalilikha ng milyon-milyon nilang ma­mimili.

Hinimok ni Villar ang nagmamay-ari ng mga department store, mall at iba pang pamilihan na palitan ang kanilang plastic bag ng mga environment-friendly shopping bag o mga sisid­lan na paulit-ulit na maga­gamit ng kanilang mami­mili.

“Ngayon, maraming grocery store na nagpa­pagamit nga ng earth-friendly reusable bag pero may bayad ang mga ito. Mas magiging epektibo ang ganitong hakbang kung libre lang ang mga bag,” pahayag ni Villar.

Binigyang-diin ni Villar na dapat isulong ang pag­gamit ng eco-friendly bag hindi lang dahil uso kundi sa bawat paggamit ng isang reusable shopping bag, may 400 plastic bag na naba­ bawas sa mga ba­surang itinatambak sa land­fill.  

Ayon pa kay Villar, ang mga plastic ay malaking bahagi ng natitipong ba­sura araw-araw mula sa kalun­suran at kailangan nang bawasan ang pagga­mit nito dahil sa pinsala nito sa kalikasan.

Sa kaniyang Senate bill 1802, inoobliga ang mga department store, mall at commercial establishment na palitan ng reusable ecologically-friendly shopping bags ang mga plastic bag na kalimitan ngayong pinagsi­sidlan ng mga mamimili.

Show comments