Tulong ng malls vs basura hingi ni Villar
Nanawagan ngayon si Senate President at Nacionalista Party President Manny Villar sa mga may-ari ng shopping mall na mag-ambag sa pandaigdigang pagkilos upang linisin ang Inang Kalikasan at bawasan ang araw-araw na basurang nalilikha ng milyon-milyon nilang mamimili.
Hinimok ni Villar ang nagmamay-ari ng mga department store, mall at iba pang pamilihan na palitan ang kanilang plastic bag ng mga environment-friendly shopping bag o mga sisidlan na paulit-ulit na magagamit ng kanilang mamimili.
“Ngayon, maraming grocery store na nagpapagamit nga ng earth-friendly reusable bag pero may bayad ang mga ito. Mas magiging epektibo ang ganitong hakbang kung libre lang ang mga bag,” pahayag ni Villar.
Binigyang-diin ni Villar na dapat isulong ang paggamit ng eco-friendly bag hindi lang dahil uso kundi sa bawat paggamit ng isang reusable shopping bag, may 400 plastic bag na naba bawas sa mga basurang itinatambak sa landfill.
Ayon pa kay Villar, ang mga plastic ay malaking bahagi ng natitipong basura araw-araw mula sa kalunsuran at kailangan nang bawasan ang paggamit nito dahil sa pinsala nito sa kalikasan.
Sa kaniyang Senate bill 1802, inoobliga ang mga department store, mall at commercial establishment na palitan ng reusable ecologically-friendly shopping bags ang mga plastic bag na kalimitan ngayong pinagsisidlan ng mga mamimili.
- Latest
- Trending