Umaabot na sa P34 milyong halaga ang inilalaang reward ng pamahalaan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang 12 lider ng Jemaah Islamiyah terrorist at Abu Sayyaf Group na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa bansa.
Sa tala ng PNP at AFP, kabilang sa mga tinutugis ay sina J.I. bomb experts Omar Patek at Ammar Usman, alyas Dulmatin; pawang mastermind sa Bali bombing sa Indonesia na kumitil ng buhay ng 202 katao noong Oktubre 12, 2002.
Ang mga ito ay nagsi pagtago sa bansa at sinasabing kinakanlong ng mga bandidong Abu Sayyaf matapos ang mga itong tumakas sa Indonesia at magtago sa rehiyon ng Mindanao.
Una nang napaulat na napaslang sa engkwentro si Dulmatin subalit hindi pa rin makumpirma kung sa kanya ang narekober na naagnas na bangkay.
Ilan pa sa mga wanted terrorist ay sina Zulkifli Bin Hir, isa ring JI member na may patong sa ulo na P5 milyon; Ahmad Akmad Batabol Usman, alyas Basit Usman, isang ASG bomber na may patong sa ulo na P3 milyon; at Jabid Abdul, isa pang ASG bomber na may P2 milyong reward. (Joy Cantos)