Itinanggi kahapon ni Senator Consuelo “Jamby” Madrigal na nagsu-suwapang siya kaya naghahabol ng mana mula sa kanyang namatay na tiya.
Sa isang panayam matapos mapabalita noong nakaraang linggo na hindi siya pinamanahan ng kanyang tiyang si Consuelo “Chito” Madrigal-Collantes na namatay noong Marso 24 sa edad na 87, sinabi ni Madrigal na hindi pera ang habol niya kundi “justice” at “transparency”.
“It’s not a matter of money…I’m after justice and I’m after transparency,” ani Madrigal sa isang panayam sa senado.
Sinabi pa ng senadora na ayaw muna niyang pag-usapan ang nasabing paghahabol sa mana at magsasalita lamang siya kapag nasa korte na ang kaso.
Ang mga naglabasan umanong balita sa pahayagan kaugnay sa paghahabol niya ng mana ay posibleng “pr hatchet job” na kagagawan ng kanyang mga kamag-anak na gustong palabasin na naghahabol siya sa pera.
Napaulat na hindi nakatanggap ng mana ang senadora gayong nabigyan ng mana ang kanyang nakakatandang kapatid na si Ma. Susana Madrigal.
Pero ayon din sa ulat, nai-advance na ni Doña Chito ang kanyang pamana kay Madrigal nang tumakbo ito sa Senado noong 2004.
Umabot umano sa P100 milyon ang nai-advance na pamana sa senadora na ginamit naman nito sa pulitika. (Malou Escudero)