Biktima ng human trafficking may death threat

Nakakatanggap ngayon ng pagbabanta sa buhay ang isang domestic helper na kabilang sa limang nabiktima ng malaking sindikato ng human trafficing at smuggling sa Singapore.

Sa panayam sa biktima na itinago sa pangalang Jane, dakong alas-11:03 ng gabi kamakalawa ng makatanggap siya ng tawag mula sa isang babaeng caller.

“Humanda ka pag nakalabas kami dito, kahit sa’ng lupalop ka magtago patay ka,” pahayag umano ng caller sa biktima kaya dahil sa matinding takot ay pinatay nito ang cellphone.

Si Jane ay kabilang sa 5 domestic helper na biktima ng pagmamaltrato, pang-aabuso at pagmamalupit ng kanilang amo sa Singapore. Sila ay ilegal na nakaalis sa bansa dahil sa pagiging “tourist workers” na prinoseso umano ng Excellent Travel Inc. na nagrecruit sa kanila at may tanggapan sa M.H. del Pilar, Ermita, Manila.

Nitong Sabado ng hapon ay dumating naman ang isa pang Pinay na nabuntis ng kanyang amo sakay ng PAL flight mula Singapore na kabilang sa mga naloko umano ng Excellent na pagmamay-ari ni Luciano “Sonny” Lim. Si Lim at 16 pang staff nito ay inaresto ng PNP-CIDG kamakailan. (Ellen Fernando)

Show comments