Matapos ang “rectum scandal” ay muling binulabog ng panibagong kontrobersya ang Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City.
Ito’y matapos na ireklamo ng pasyenteng si Ronalyn Caballes, 27 anyos at single mother si Jeffrey Polanco, dati umanong empleyado ng VSMMC na nakatalaga sa Medical Records Section.
Sa salaysay ni Caballes, nanganak siya ng sanggol na lalaki noong nakalipas na Enero 16 sa nasabing ospital subalit naiwan niya ang birth certificate ng kaniyang anak kaya bumalik siya para kunin ito.
Dito niya nakilala si Polanco na nagsabing tutulungan siyang mai-release kaagad ang birth certificate ng sanggol kapalit ng sexual intercourse sa nasabing lalaki.
Tumanggi si Caballes at sa halip ay ipinadakip si Polanco sa mga opisyal ng barangay sa Bgy. Tinago ng lungsod na ito.
Ayon naman kay Emmanuel Gines, Liason Officer ng Media Affairs ng VSMMC, contractual employee lamang nila si Polanco at nag-resign ito noong Abril 16 pa.
Sa sobrang kahihiyan ay hindi umano siya kaagad nagreklamo subali’t dahilan sa paglutang ng kontrobersyal na “rectum surgery scandal” kamakailan sa YouTube ay napilitan na siyang lumantad para magharap rin ng asunto.
Sa lumabas sa You Tube video, makikitang inooperahan ang isang 39-anyos na bading na itinago sa pangalang George na pinasakan ng canister o body deodorant sa puwet ng isang call boy na umano’y naka-sex nito noong Enero ng taong ito.
Maingay at nagtatawanan ang mga doktor at nurse habang ibini-video ang proseso. Ang video na kinunan sa cellphone ay dinownload naman sa YouTube.
Rectum scandal
Dahil sa pagkalat ng nasabing iskandalo ay tatlong doktor at isang nurse ang pinakakasuhan at namemeligrong matanggalan ng lisensya.
Sa panayam kay Leonor Rosero, chairman ng Professional Regulation Commission (PRC), sinabi nito na alam na ng kanyang tanggapan ang “rectum scandal” na nailagay sa YouTube at hihinintay na lamang niya ang pagsasampa ng pormal na reklamo ng inoperahang pasyente.
“Maaring reprimand, suspension o di kaya ay cancellation of license ang maging parusa sa mga doktor at nurse depende sa gravity ng kanilang ginawa,” sabi ni Rosero.
Tiniyak ni Rosero na kaagad na magsasagawa ng imbestigasyon ang kanyang tanggapan sa sandaling maghain na ng reklamo ang pasyente para madetermina kung lumabag sa “code of ethics” ang mga sangkot.
Base sa ulat umaabot sa 10 katao ang sangkot sa eskandalo kasama na dito ang tatlong doktor, isang nurse, medical at nursing students. (Doris Franche)