Korupsiyon, di populasyon at bigas ang problema ng Pinas - Arch. Cruz
Tahasang sinabi ni Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz na ang korapsyon at hindi ang populasyon at bigas ang tunay na problema ng Pilipinas.
Ayon kay Cruz, maraming pera ang Pilipinas para pondohan ang agrikultura, gayunman sa halip na sa taumbayan at mga serbisyo-publiko ay napupunta ang naturang pondo sa kamay ng mga corrupt na pulitiko.
Nagbalik-tanaw pa ito sa pagsasabing noong araw ay nag-e-export pa umano ang bansa ng bigas at ng iba pang agricultural products, pero ngayon hindi na ito nangyayari matapos tumindi ang korapsyon ng mga nakaupo sa pwesto.
Inihalimbawa ni Cruz ang anomalya sa P728 million fertilizer fund, kung saan sa halip na magamit na pondo para ipambili ng mga fertilizer para sa magsasaka ay napunta umano ito sa kampanya ni Pangulong Arroyo noong 2004 presidential elections.
Maging ang Quedancor’s multibillion-peso swine program na base aniya sa alegasyon ni Atty. Harry Roque Jr. ang pondo ay nagamit sa kampanya ng mga senatorial bets ng administrasyon para naman sa 2007 senatorial race.
Ani Cruz, hindi tutol ang Simbahan sa family planning, pero dapat ito ay gawin sa natural na pamamaraan bilang pagrespeto sa kalusugan ng ina. (Doris Franche)
- Latest
- Trending