Erap di takot makulong muli

Hindi umano natatakot muling makulong si dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa kanyang ginagawang pagsasalita laban sa administrasyon dahil para sa kanya wala umanong halaga ang pansariling kalayaan basta makalaya lang sa gutom na nararanasan ang mamamayang Pilipino.

“Alam nyo, pinagbabawalan tayong magsalita kasi babawiin daw ang pardon ko at ikukulong muli, ang sabi ko sa kanila, hindi mahalaga sa akin ang pansarili kong kalayaan dahil mas mahalaga na makalaya ang mamamayan sa nararanasang gutom ngayon”.

Ito ang isa sa mga sinabi ni Estrada ng magsalita ito sa harapan ng mga residente ng Taytay, Rizal kung saan niya idinaos ang kanyang ika-71 kaarawan kahapon kasama ang mga residente dito.

Naging espesyal ang lugar na ito kay Erap dahil dito itinayo ang unang resettlement site na proyekto niya noong siya’y alkalde pa ng San Juan at ipinamahagi niya ang mga titulo ng lupa sa mga residente ng San Juan na nasunugan noong 1971.

Dakong alas-9 ng umaga ng dumating si Erap sa San Lorenzo Ruiz Parish church sa barangay San Juan kasama ang anak na si San Juan Mayor JV Ejercito at Rizal Gov. Jun Jun Ynarez.

Matapos ang isang misa ay namigay ito ng 30 titulo ng lupa at 2,500 bag ng groceries na naglaman ng tig-3 kilong bigas at mga de-lata sa mga residente ng barangay. (Edwin Balasa)

Show comments