Sa kabila ng signature campaign, iginiit kahapon ni dating Pangulong Erap Estrada na wala siyang plano na tumakbo sa darating na May 2010 presidential elections bagkus ang nais daw niya ay magkaisa lamang ang oposisyon.
“Ang aking hangad lamang ay magkaisa ang oposisyon at ako ay walang intensyong tumakbo. Para masiguro na papalitan itong kasalukuyang rehimen na talagang nagpapahirap sa ating mamamayan,” sabi ni Erap sa panayam dito ng DZBB.
Pero ayon sa kaalyado nitong si dating Ambassador Ernesto Maceda, kung hindi magkakaisa ang oposisyon kung sino ang ilalaban sa panguluhan ay mapipilitang tumakbong muli si Estrada.
Malaki ang paniniwala ni Maceda na ang mainit na pagtanggap ng mga tao kay Erap hindi lang sa Metro Manila, kundi maging sa mga lalawigan ay indikasyon na marami ang gustong muling bumalik siya sa puwesto.
Kamakalawa ay inilunsad ng partidong Puwersa ng Masang Pilipino ang pangangalap ng pirma upang upang pilitin si Estrada na muling tumakbo sa 2010. (Rudy Andal/Doris Franche)