Price control giit ipatupad
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng militanteng grupong Gabriela kasama ang ilang mga menor-de-edad sa harapan mismo ng punong-tanggapan ng National Price Coordinating Council (NPCC) sa Department of Trade and Industry (DTI) upang igiit ang agarang pagpapatupad ng price control sa mga pangunahing bilihin o basic prime commodities.
Hawak ang mga walang lamang kaldero at mga kitchen utensils ay nagsagawa ng noise barrage ang mga raliyista sa layunin umano na mapakinggan na ni NPCC head at Trade Secretary Peter Favila ang pangangailangan ng taumbayan.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng Gabriela, ang price control ang siyang solusyon para mapigilan na ang walang humpay na pagtataas ng presyo ng bilihin.
Ipinanukala pa ni Palabay na dapat ipako na lamang sa P25 per kilo ang presyo ng bigas habang ang extra cost ay akuin na lamang umano ng pamahalaan.
Ayon sa Gabriela, may batayan ang pagpapatupad ng price control, sa ilalim umano ng Sec. 7 ng 1992 Price Act kung saan binibigyan nito ang NPCC ng kapangyarihan na mag-rekomenda sa Pangulo ng bansa na magpatupad ng price ceiling sa oras na umabot na sa masyadong mataas na halaga ang presyo ng bilihin. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending