Dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya, tuluyan ng ipinababasura kahapon ni dating Solicitor General Estelito Mendoza sa Parañaque Regional Trial Court (RTC) ang kasong estafa na isinampa laban sa board of directors ng Greencross Incorporated.
Hayagang tinuligsa kahapon ni Mendoza sa sala ni Judge Fortunito Madrona ng Parañaque RTC branch 274, ang mga abogado ni Gonzalo Co, dating pangulo ng Greencross, dahil sa patuloy ng paghingi ng postponement na nagiging dahilan upang matagalan ang kaso na isinampa laban sa kanyang kliyente.
Binatikos rin ni Mendoza ang taga-usig nang maghain pa ng mosyon na humihiling sa kanyang kliyente na dalhin sa korte at ilabas ang mga dokumento na may kaugnayan sa kaso na taliwas sa umiiral na Rules of Court.
Sinabi ni Mendoza tanging ang akusado lamang ang puwedeng humiling sa korte na maglabas ang taga-usig ng ebidensiya o dokumento na kinakailangan sa kaso.
Patunay aniya ito na hindi handa ang taga-usig sa paglilitis dahil kulang ang kanilang ebidensiya kaya’t dapat lamang itong ibasura na ng korte.
Sa rekord, nagsampa ng kasong estafa si Gonzalo Co, dating pangulo ng Greencross Inc. at founder ng Gonzalo Laboratories laban sa kanyang mga kapatid at pamangkin upang maibalik sa kanya ang sapi ng kompanya na nauna na niyang ibinenta sa mga akusado.
Hiniling naman ng pamilya ni Anthony Co na nagmamay-ari na ngayon ng Greencross Inc. sa pamahalaan na protektahan sila sa ginagawang panggigipit sa kanila ng kapatid matapos nilang tanggihan ang patuloy umanong panghihingi sa kanila ng salapi matapos na ibenta sa kanila ang sapi ng kompanya.
Naniniwala umano si Gonzalo na bagama’t nakapangalan na sa kanyang mga kapatid, pamangkin at magulang ang sapi ng kompanya, dapat ay siya pa rin ang nagmamay-ari nito batay sa ilalim ng prinsipyo ng implied trust na una ng ibinasura ng Department of Justice. (Rose Tamayo-Tesoro)