Ibinasura ng Malacañang ang panukala ng ilang kongresista na pagkalooban ng emergency power si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang resolbahin ang problema ng bansa hinggil sa supply ng bigas.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, sapat na ang kapangyarihan ni Pangulong Arroyo upang lutasin ang suliranin sa bigas kaya hindi na kailangan ang emergency power.
Ayon kay Bunye, magdudulot lamang ng pagkabahala sa publiko kung magkakaroon ng emergency power ang Pangulo bagkus ay mas kailangan ang pagtutulungan ng gobyerno at publiko upang mabilis na maresolba ang suliranin sa supply ng bigas na hindi lamang naman sa Pilipinas nararanasan kundi sa iba pang panig ng mundo.
Samantala sinabi naman ni Sen. Mar Roxas, dapat ay tanggapin ng Pangulo na may problema tayo sa bigas sa halip na itinatanggi ito dahil nag-iiwan lamang ng pagkalito sa taumbayan.
Iginiit din nito na dapat ihinto na ang lahat ng uri ng land conversion para hindi na mabawasan ang lupang sinasaka at imbestigahan din kung sino ang mga nag-convert nito lalo na ang mga irrigated lands na kinonvert bilang mga pabahay.
Idinagdag pa ni Roxas na dapat din na pag-ibayuhin ang paglagay ng irigasyon sa mga lupang sinasaka, tulungan ang mga magsasaka mula sa pagbili ng mga abono, pertisidyo at iba pang mga pangangailanan para magkaroon ng masaganang ani.
Naniniwala ang mambabatas na hindi na uubra ang pag-angkat ng bigas dahil ang dating may presyong $350/metric tons ng bigas ay umaabot na sa $900/metric tons kaya yung dating pananaw na ito ang solusyon sa short term ay hindi na rin angkop sa kasalukuyang problema.