Tumangging magbigay ng anumang komento ang tanggapan ni Sen. Jamby Madrigal sa ulat na kinukuwestiyon niya ang hindi pagbibigay sa kanya ng pamana ng kanyang tita na si Consuelo “Chito” Madrigal-Collantes na namatay noong Marso 24 sa edad na 87.
Hindi mahagilap ng media si Madrigal at tanging isang staff lamang nito ang nagsabing “no comment” ang senadora sa nasabing ulat na hindi ito nakatanggap ng mana mula sa kanyang namatay na tita gayong nabigyan ng mana ang kanyang ate na si Ma. Susana Madrigal.
Kinuha umano ng senadora ang serbisyo ni Atty. Ernesto Francisco Jr. upang kuwestiyonin ang mga beneficiaries na nabigyan ng mana.
Maging si Francisco ay nagpahayag na “no comment” muna ang senadora na ayaw munang kumpirmahin ang paghahabol sa kayamanan.
Ayon sa ulat, hindi pa tiyak kung anong legal ground ang gagamitin ng senadora upang mapawalang bisa ang last will and testament ng kanyang tiya.
Pero ayon din sa ulat, nai-advance na ni Doña Chito ang kanyang mana kay Madrigal nang tumakbo ito sa Senado noong 2004.
Umabot umano sa P100 milyon ang binale ng senadora sa kanyang mana. (Malou Escudero)