Irerekomenda nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. at DILG Sec. Ronaldo Puno kay Pa ngulong Arroyo na mabigyan ng presidential pardon ang siyam na junior officers ng Magdalo Group na hinatulang makulong ng habambuhay dahil sa kasong kudeta.
Ayon sa mga opisyal, inamin at pinagsisisihan ng mga sundalong Magdalo ang kanilang pagkakamali at ang paghingi nila ng tawad at pagmamakaawa sa executive pardon ni Pangulong Arroyo ay basehan upang maging kuwalipikado sila sa executive clemency.
“The power of the President under the Constitution to grant executive clemency is absolute once the conditions for the granting of pardon are already present,” ani Teodoro.
Noong Biyernes ay humarap sa media ang Magdalo leaders na sina Army Captains Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo at ipinaabot sa Pangulo ang kanilang pag-amin, pagsisisi at paghingi ng kapatawaran sa kanilang nagawang kasalanan sa bayan.
Sabi naman ni Puno, tayo ay isang compassionate na bansa at mayroong compassionate na Pangulo at naniniwala ako na matapos nilang aminin ang kanilang pagkakamali ng sumama sa nabigong Oakwood mutiny sa Makati City noong 2003 ay magiging kapaki-pakinabang na miyembro ng society muli ang mga ito.
“These junior officers were led astray by wrong beliefs but have realized their grave mistakes. Military adventurism is no way to pursue and achieve reforms. They are very talented soldiers and we would like to give them another chance to help the country move forward,” giit naman ni Esperon.
Si Maestrecampo at Gambala ay hinatulan ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakabilanggo habang ang pito ay prison mayor o mula 6-12 taong kalaboso.
Samantala sa loob ng kulungan ay naging relihiyoso umano sila matapos na sumapi sa Born Again Christian at sa kabila ng hatol ay umaasang darating din ang liwanag sa kanilang buhay.