Ika-7 sunod na oil price hike ikinasa

Muling nagtaas kahapon ng P.50 dagdag kada litro sa presyo ng produktong diesel, gasoline at kerosene ang mga kumpanya ng langis, ang ika-pitong sunod na linggo mula nitong Marso. 

At gaya ng mga nauna nilang paliwanag, hindi na umano kaya pang pasa­nin ng mga oil companies ang muling pagtaas ng presyo ng crude oil sa pandaig­digang pamilihan kaya wala silang ibang opsyon kundi ang ipasa din ito sa consumer.

Sa ngayon ay uma­abot na sa $110 kada bariles ang presyo nito sa World Market at kung magpapatuloy pa ang ganitong trend ay posible umanong magka­roon pa ng kasunod ang oil price hike sa mga susunod na linggo.

Unang nagtaas ang independent oil player na Unioil na inaasahan na­mang susundan ng iba pang major oil players na kinabibilangan ng Shell, Petron at Caltex gayundin ang iba pang independent oil players.

Dail dito, umaabot na sa P3.50 ang kabuuang itinaas ng presyo ng pro­duktong gasoline, diesel at kerosene sa local na pamilihan. 

Samantala, isang ma­la­king transport strike naman ang iniamba ng grupong PISTON na ga­gawin sa unang linggo ng Mayo upang muling ipa­hayag sa gobyerno ang pagiging inutil nito dahil walang ma­gawa sa pa­tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. (Edwin Balasa)

Show comments