Lozada sinermunan sa CA
Pinagalitan ng isang Associate Justice ng Court of Appeals (CA) si NBN-ZTE witness Rodolfo Lo zada sa pagharap nito kahapon sa witness stand kaugnay sa writ of amparo petition na inihain ng kanyang kapatid na si Arthur Lozada.
Mistulang nagkuwento ng kanyang talambuhay sa halip na direktang sagutin ang mga tanong ng kanyang abogado na si Atty. Rex Fernandez.
Bunsod dito kaya hindi napigilan ni CA Associate Justice Celia Librea-Leagogo na sermunan si Lozada at pagsabihan ito na huwag nang magkuwento pa ng mahaba at sagutin na lamang ng direkta ang mga tanong sa kanya ng abogado.
Pinaalala ng Mahistrado kay Lozada na ang CA ay hindi katulad ng ibang investigating body na maaring sabihin ng isang testigo ang lahat ng nais niyang kwento.
Sumentro ang testimonya ni Lozada sa naganap na pagdukot umano sa kanya ng mga taong hindi niya kakilala ng dumating siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hongkong na ikinabahala ng husto ng kanyang pamilya.
Dahilan dito kaya naghain ang mga ito ng petition upang mabigyan ng proteksyon ng korte ang kanilang kapatid.
Sinabi naman ni Lozada na lalo umanong tumitindi ang banta sa kanyang buhay dahil hindi lamang sa text messages idinadaan ang mga banta kundi pati na rin sa kanyang pag-iikot sa mga lugar na nabubulabog umano ng bomb threat.
Itinakda naman sa Abril 17, 2008 ang muling pagdinig sa nasabing petition. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending