Takdang isampa ng Presidential Anti-Smuggling Group ang kasong economic sabotage laban sa may-ari ng Vertex International Product and Exchange Corporation kasunod ng pagkakatuklas ng P20 milyong halaga ng imported na bigas sa bodega nito sa Cubao, Quezon City.
Sinabi ni PASG Head Undersecretary Antonio Villar Jr. na ang presidente ng VIPEC na si Ricardo Luz ay nagmamantini umano ng isang bodega ng bigas sa No. 10 Manhattan St., Cubao nang walang permiso mula sa National Food Authority.
Sinabi ni Villar na naniniwala siyang sangkot umano sa rice hoarding ang VIPEC dahil sa kawalan nito ng permit at pag-iimbak ng 20,000 sako ng Jasmine rice na nagmula sa Thailand. Posible umanong ibebenta ang bigas na ito sa mas mataas na halaga.
Lumilitaw din anya sa mga dokumento ng VIPEC na nakarehistro lang ito bilang wholesaler ng softdrink, alak at tabako. (Rudy Andal)