Nakatakdang anyayahan ni Mayor Tito Oreta si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno sa pag-papasinaya sa bagong eleven-storey building ng Malabon City hall.
Ang pagpapasinaya ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-7 taong pagkakatatag ng lungsod ng Malabon sa darating na Abril 21 na siya ring hudyat ng isang buwang pagdiriwang at magtatapos sa Mayo 21 at ito’y sa pag-gunita naman sa ika-409 taong pagkatatag ng Malabon.
Nakatakdang ipakita ni Mayor Oreta sa Pangulo ang katangian ng bagong modernong City hall.
Ang gusali ay may tatlong mabilis na elevator at scenic elevator na makikita ng sakay nito ang magandang tanawin sa Metro Manila.
Itinuturing na pinakamataas na gusali sa Malabon.
At ngayon nasa finishing touches na at panahon na para sa pagpapasinaya, ayon kay Eng’r. Floro ‘Boy’ Belandres ng Project Management Office (PMO), ang tanggapan na nakatalaga na mamahala sa konstruksyon ng gusali.
Bukod sa Pangulo, iba pang mataas na personalidad ng gobyerno ang kabilang sa mga inanyayahan upang saksihan ang pagpapasinaya, kasama sina Finance Sec. MargaritoTeves at Interior and Local Government Sec. Ronaldo Puno.