Nakauwi na at takdang ilibing sa Sabado sa Capiz ang mga bangkay ng isang Pili pina at anak nitong 7-buwang gulang na sanggol na kapwa pinaslang sa Japan nitong nakalipas na linggo.
Kahapon ay tumulak na patungong Tahit, Mambusao, Capiz mula Manila Domestic Airport ang mga labi ng mag-inang sina Crisanta Lopez, 33, at kanyang anak na si Naomasa na sinamahan ng kanyang mga kaanak.
Dumating sa NAIA Centennial Terminal 2 mula Tokyo sakay ng Philippine Airlines nitong Linggo ang mga labi ng mag-ina at pansamantalang inilagak sa isang funeral homes bago inilipad patungong Capiz nitong Martes.
Base sa report, si Crisanta ay natagpuan sa kanyang tirahan sa Tokyo na naliligo sa sariling dugo at tadtad ng tama ng patalim sa katawan habang ang bata ay nasawi sa pamamagitan ng pagsakal nitong Marso 17.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Tokyo police na ang 43-anyos na asawa ni Crisanta na nakilalang si Masayoshi Nagano, isang Japanese national, ang suspek sa krimen.
Nabatid na si Crisanta ay nagtrabaho sa Japan bilang isang entertainer noong 1997 at nakilala nito doon ang kanyang Japanese husband.
Sina Crisanta at Ma sayoshi ay ikinasal may walong taon na ang nakalilipas sa Immaculate Concepcion Metropolitan Cathedral sa Roxas, Capiz. (Ellen Fernando)