Pagdakip sa kriminal ginawang madali

Mapapadali na ang pag-aresto sa mga wanted sa batas.

Ito ang tiniyak ni Philippine National Police Deputy Director General Jesus Verzosa dahil sa kasalukuyang hakbang na isentralisa ang computer service sa buong kapulisan.

Inatasan ni Verzosa ang PNP computer service unit na madaliin ang integrasyon ng lahat ng database sa PNP sa buong kapuluan upang maipatupad na ang patakaran at investigative operations dito.  

Ayon kay Verzosa, nasa proseso na sila ng pag-compile ng database kabilang na ang pagsasama-samahing warrant registry, firearms registry at vehicle information.

Aniya sa nasabing hakbang ay mapapadali na ang paghahanap ng mga rekord  ng mga kaso para sa follow-up operations at pag-aresto sa mga kriminal na karaniwa ay may nakabinbing warrant of arrest.

Ang pangkalahatang on-line databae ay isang pamamaraan upang mapabilis ang pagbibigay o sharing of transfer ng mga impormasyon upang masakote ang mga wanted persons.

Sinabi pa ng heneral na  ang on-line database ay nakakonekta sa lahat ng mga tanggapan ng PNP patungo sa national headquarters sa Camp Crame. (Ellen Fernando)

Show comments