Colorum na jeep, tricycle sunod na puntirya ng spray paint ng MMDA
Sunod na puntirya ng kontrobersiyal na spray paint campaign ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga out-of-line o colorum na mga jeepney at tricycle sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay MMDA General Manager Robert C. Nacianceno, nakahanda na ang ahensiya sa phase 2 ng kanilang kampanya upang alisin ang lahat ng mga illegal passenger vehicles na sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko sa mga lansa ngan ng Metro Manila.
Sinabi ni Nacianceno na sa kabila ng inani nilang kritisismo sa inilunsad nilang spray-painting sa mga colorum at out-of-line buses, napagtagumpayan ng ahensiya na makuha ang atensiyon ng publiko at naalarma rin ang mga illegal bus operators matapos umalma dahil nauga ang kanilang illegal na negosyo.
Nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa lahat ng transport organizations para sa implementasyon ng anti-colorum drive sa mga jeep at aniya ay isusunod nila ang mga tricycle dahil sa hindi rin mapigil na pagdami ng mga ito na parang mga kabute sa kalsada.
Nakatakdang ipatupad ni Dir. Roberto Esquivel, hepe ng MMDA Traffic Enforcerment Group (TEG) anumang araw mula ngayon ang kampanya sa illegal passenger jeepney.
Bukod dito, target din ng MMDA na alisin ang mga illegal terminals para mapaluwag ang mga kalye dahil sinasakop ng mga ito ang malaking bahagi ng dapat sana ay para sa pedestrian at motorist lane. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending