Nanawagan kahapon si dating Agriculture Minister at ngayon ay Sorsogon Rep. Salvador Escudero III sa gobyerno na huwag gamitin sa politika ang bigas dahil ang mga maliliit na mamamayan ang maapektuhan dito.
Si Escudero ay dating Secretary of Agriculture ni Pangulong Ferdinand Marcos at Fidel Ramos.
Ayon kay Escudero, dapat pag-ibayuhin ng gobyerno ang irrigation at mga kanal nito para gumanda ang ani ng bigas sa bansa.
Sinabi ni Escudero, sa Pilipinas lamang natuto ang Vietnam, Thailand at ibang bansa sa pagtatanim ng bigas pero naiwanan na tayo ng mga ito dahil suportado ng gobyerno ang irrigation at mga magsasaka sa kanilang mga lugar.
Ayon dito, kahit na maglaan ng malaking pondo para sa pagtatanim kung ang irrigation ay palpak tiyak walang mangyayari dito.
Sinabi ni Escudero, isa pang problema ng bansa ay ang pagdami ng populasyon. Habang dumarami aniya ang mga kumakain, kumokonti ang makakain.
Samantala, isang panukalang batas ang House Bill 948 ang inihain ng isang lady Reprensenta tive sa Kamara para parusahan ang ethnic discrimination.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Paysah Dumarpa, layunin ng ikinasa niyang panukalang batas na parusahan ang mga taong mang-iinsulto sa mga taong may problema sa pagbigkas ng mga salitang lumalabas sa kanilang mga bibig.
Ang House bill 948 kung magiging ganap na batas ay puedeng maparusahan ng pagkakakulong ang isang taong nang-insulto sa kanyang kapwa at multa. (Butch Quejada)