Melo malabo sa CA kung walang poll automation
Malabong makumpirma ang appointment ni dating Supreme Court Associate Justice Jose Melo bilang tagapangulo ng Commission on Elections kung hindi magiging automated o computerized ang darating na halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ito ang babala kahapon ng tagapangulo ng electoral reform committee ng Senado na si Sen. Richard Gordon na nagsabing walang karapatan si Melo na mamuno sa Comelec kung hindi nito magagawang maging automated ang halalan sa ARMM.
Idiniin ni Gordon na tinanggal na ng Republic Act No. 9369 ang mga rekisitos na nagpapahirap sa pagpapatupad ng automated elections.
Sinabi pa ng senador na makakabili ang pamahalaan ng dalawang computer sa bawat presinto sa ARMM. At ang mga computer ding ito ay maipapagamit kinalaunan sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan.
Idiniin pa niya na ang talagang hangad ng poll automation ay maging magkapantay sa pagboto ang mayayaman at mahihirap.
- Latest
- Trending