Nalambat ng mga elemento ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang may 2,000 sako ng bigas sa isinagawang operasyon kaugnay ng patuloy na anti-rice hoarding and smuggling campaign ng ahensiya sa Zamboanga City.
Inutos na ni PASG Head Usec. Antonio “Bebot” A. Villar Jr. kay PASG Western Mindanao Director Dominic Kabigting ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa may-ari ng warehouse na si Rommel J. Doroteo na sinasabing walang lisensiya para magnegosyo ng butil. Nadiskubre sa warehouse ang na-repack na NFA rice na sinasabing naibebenta bilang commercial rice.
Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na ang ilan sa mga sako ng bigas sa naturang lugar ay smuggled mula Sandakan, Malaysia makaraang walang maipa kitang balidong dokumento si Doroteo hinggil sa importasyon nito.
Sa raid, ikinagalit din ng raiding team ang tangka umanong panunuhol ng mga tauhan ni Doroteo kay Kabigting.
“Why bribe my men if he (Doroteo) was a legitimate rice trader.. Doroteo will face additional charges of bribery,” pahayag ni Villar. (Butch Quejada)